Haharap na ngayong umaga sa itinatag ng Independent body ang mga opisyal ng Department of Justice (DOJ) na umano’y sangkot sa P50-million bribery kaugnay sa pagbasura ng kasong droga ng Alabang boys.
Ayon kay State Prosecutor John Resado, natanggap na nila ang subpoena mula sa panel na nagsasabing kailangan silang dumalo sa hearing ngayong alas-9 ng umaga ng Pebrero 5, 2009.
Bukod kay Resado, pinatawag din ng panel si Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor, Chief State Prosecutor Jovencito Zuno, Senior State Prosecutor Philip Kimpo at State Prosecutor Misael Ladaga.
Naniniwala si Resado na mas mayroong kredibilidad ang independent body kaysa sa iba na nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing usapin.
Pinamumunuan ni retired Supreme Court (SC) Justice Carlina Grino-Aquino ang nasabing panel at miyembro nito sina Sandiganbayan Associate Justice Raoul Victorino at ang Dean ng San Beda Graduate School of Law na si Fr. Ranhilio Aquino.
Mayroon lamang 15-araw ang panel upang tapusin ang nasabing imbestigasyon. (Gemma Amargo-Garcia)