Isa sa pinakamalaking nabiktima ng nagsarang Legacy Group Consolidated si House Speaker Prospero Nograles Jr. na nalugi ng P10 milyon at hindi man lamang nakakuha ng tubo sa inilabas na salapi.
Sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Trade and Commerce, kinumpirma ng may-ari ng Legacy na si Sto. Domingo, Albay Mayor Celso Delos Angeles na nag-invest rin sa kanyang kumpanya si Nograles.
Sinabi ni Delos Angeles na P20 milyon ang puhunang nailagak ng pamilya ng Speaker. Pero wala naman uma nong naging papel si Nograles sa naluging kompanya.
Inamin din ni Delos Angeles na tanging ‘principal’ ang ibabalik ng Legacy sa mga naluging investors.
Sinisi ni Delos Angeles ang kapatid ng isang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagbagsak ng kanyang kumpanya.
Itinuro ni Delos Angeles ang kapatid ni dating BSP Deputy Governor Alberto Reyes, partikular si Efren Reyes, sa nangyaring pangingikil kung saan tinakot itong isasailalim sa ‘special audit’ ang mga pag-aaring bangko kapag hindi pinautang ito.
Umabot umano sa kabuuang P1.4 milyon ang pagkakautang ng kapatid ni Reyes kay delos Angeles simula noong 2000 hanggang 2003 at palagi aniyang ipinanakot ang pagpapasailalim sa special audit kapag sinisingil. (Malou Escudero)