Tiniyak kahapon ni National Liga ng mga Barangay President Ricojudge Janvier “RJ” Echiverri na patuloy silang hahanap ng paraan ng National Executive Board para ma ibigay sa lahat ng miyembro ng barangayan ang kanilang mga benepisyo na naaayon sa batas.
Ayon kay Echiverri, una na rito ang pagbubuo ng mga kasunduan kasama ang iba’t ibang sangay at ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa maayos na pagpapatupad ng mga nakasaad na benepisyo base sa Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991.
Aniya, base rin sa batas, nararapat lamang na ang lahat ng mga opisyal ng barangay ay mayroong insurance coverage, libreng medical care, mga gamot at medical attendance sa alinmang hospital at institusyon ng gobyerno.
Nakasaad din dito na exempted ang mga ito, habang nanunungkulan, sa pagbabayad ng anumang matrikula at tuition fee ng kanilang mga lehitimong anak na pumapasok sa mga state colleges at unibersidad.
Gayunpaman, sinabi ni Echiverri na kahit na binibigyan ng mandato ng Local Government Code ang mga opisyal ng barangay, hindi naman nila natatanggap ng buo ang mga nakasaad na benepisyo dahil na rin sa kakulangan sa pondo o kaya’y kawalan ng matibay at malinaw na kasunduan para magkaroon ito ng kaganapan.
Nauna nang hinimok ng national executive board ang Kongreso para magtakda ng kinakailangang pondo para sa maayos na implementasyon ng mga probisyong ito. (Butch Quejada)