Maglulunsad ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ng Mobile E-Passport Service (MEPS) umpisa bukas, Pebrero 2 sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, kailangan lamang pumunta ng mga residente sa mga tanggapan ng Civil Registry Department (CRD) sa City Hall Main o sa City Hall North para mapakinabangan ang serbisyo.
Ang application period ay magpapatuloy hanggang Peb. 27. Kapag naaprubahan, kailangan namang bumalik ng aplikante sa Marso 14 sa City Hall Main sa corner ng A. Mabini st. at 10th Ave. para sa final evaluation at pagbabayad.
Samantala, ang releasing ng mga passport ay gaganapin sa Marso 28, doon din sa Caloocan City Hall Main.
Ayon naman kay City Civil Registrar at DFA-LGU Coordinator Luchi Flores, ang “hassle-free” na pagproseso ng mga pasaporte ay naunang hiniling ni Mayor Recom bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-47 Cityhood ng Caloocan sa Peb. 16.
Ani Flores, dahil sa benepisyong ito, malaki ang matitipid ng mga residente sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.
Kaugnay nito, naglaan naman si Flores ng dalawang linya ng telepono, 324-5126 at 288-8811 loc. 2249, na nakahandang sumagot sa katanungan ng mga mag-a-apply ng passport. (Lordeth Bonilla)