Didinggin na sa Martes ng Rules Committee ng Senado ang panukalang batas na isinusulong ni Sen. Lito Lapid na naglalayong isalin sa wikang Filipino ang “Rules of the Senate” at gamitin rin ang pambansang wika sa lahat ng opisyal na usapan lalo na sa mga pagdinig.
Sa resolusyon ni Lapid, sinabi nito na “ang wikang Filipino bilang pangunahing wika ng ating bansa ay nararapat magamit bilang wika ng alituntunin na gagabay sa institusyon ng Se nado”.
Simula nang maging senador si Lapid, hindi ito nakikilahok sa de batihan sa plenaryo na kalimitan ay wikang English ang ginagamit sa usapan.
Halos hindi rin ito nagpapa-interview sa media pero palagi namang present kung may sesyon.
Ayon pa sa resolusyon ni Lapid, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan para maitaguyod ang wikang pambansa o Filipino.
Kung si Lapid ang masusunod, nais rin nitong gamitin ang Filipino sa pagtuturo sa mga paaralan.
Mas marami rin umano ang makakaunawa kung ang Rules ng Senado ay isasalim sa salitang Filipino at maging lahat ng dokumento na nanggagaling sa Institusyon.
Mas magiging maayos din umano ang komunikasyon sa pagitan ng mga mamamayan at mga senador kung Filipino ang paiiraling wika sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Kung ganap na pagtitibayin ng mga senador ang resolusyon ni Lapid, isang adhoc committee ang bubuuin para sa pagpapatupad nito. (Malou Escudero)