Isa sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC ) ang maysakit na bunga ng matinding tensiyon at hirap sa pagtatago sa kabun dukan na inaabot ng mga bihag sa kamay ng mga kidnappers.
Nabatid na dumaranas ngayon ng hypertension ang Italian national na si Eugenio Vagni, 52 anyos, na may tatlong linggo ng hawak ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu, kasama ang dalawa pang Red Cross workers na sina Andreas Notter, Swiss national at ang Pinay Engineer na si Marie Jean Lacaba.
Sa report ng Task Force ICRC, bagaman nagpadala na ng gamot para sa alta-presyon ni Vagni ay nangangamba ang pamilya at mga kaibigan nito sa kanyang kalagayan.
Ang mga ito ay binihag ng mga bandido nitong Enero 15 matapos na bumisita sa sanitation project ng ICRC sa Sulu Provincial Jail sa bayan ng Patikul ng naturang lalawigan.
Ang nadismis na provincial jailguard na si Raden Abu ang sinasabing sangkot rin sa kidnapping.
Positibo naman ang mga opisyal ng PNP at AFP na hindi na magtatagal ay makakalaya na ang mga bihag.
Kabilang naman sa demand ng mga kidnappers ay ‘livelihood at development projects’ gayundin ang edukasyon para sa mga kabataan ng Sulu.
Samantalang patuloy namang naninindigan ang mga opisyal ng pamahalaan na paiiralin ang ‘no ransom policy’ sa kaso ng mga bihag. (Joy Cantos)