Umapela kay US President Barack Obama ang Public Attorney’s Office (PAO) upang pagkalooban ng executive clemency ang isang Pilipinong pari na nahatulan ng pangmo-molestiya sa isang 12-anyos na batang babae noong 1995.
Sa 2-pahinang liham ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta, hiniling nito na mabigyan ng pagkakataon ni Obama sa pamamagitan ng Presidential Clemency at Parole sa ilalim ng batas sa US si Fr. Jose Superiaso, 54.
Sinabi ni Acosta sa kanyang liham na ang limang taong pagkakakulong ni Fr. Superiaso sa isang Rehabilitation Center sa Norco, California ay sapat na umano para mabayaran nito ang kanyang pagkakasala.
Si Superiaso ay dating pari sa St. Andrew Catholic Church sa Daly City at nahatulang makulong dahil sa 21 counts ng child molestation.
Mariin naman umanong pinabulaanan ni Soriaso ang nasabing krimen at sa halip ay sinabing inosente siya sa kasong isinampa sa kanya. (Gemma Amargo-Garcia)