Robin tutulong sa 3 kinidnap na Red Cross workers

Dumating kahapon sa Zamboanga City ang action star na si Robin “Bad Boy“ Padilla upang tumu­long sa negosasyon sa pagpapalaya sa tatlong bihag na miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na hawak ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa lalawigan ng Sulu.

Sa phone interview, kinumpirma ni Police Regional Office (PRO) 9 Director Chief Supt. Angel Sunglao na nasa Zam­boanga City na si Padilla.

Una rito, inimbitahan ng Moro National Liberation Front (MNLF) na pi­namumunuan ni Nur Mi­suari si Binoe para tumu­long sa negosasyon sa pagpapalaya sa 3 ICRC members na sina Swiss national Andreas Notter, Italian national Eugenio Vagni at ang Pinay Engineer na si Marie Jean La­caba, na dalawang linggo na ngayong bihag ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad.

Nabatid na si Padilla ay guwardiyado ng mga mi­yembro ng MNLF sa Zam­boanga City na nakatakda ring tumungo sa Jolo, Sulu kung saan makikipagpu­long ito sa binuong Crisis Management Committee na pinamumunuan ni Sulu Governor Abdusakur Tan.

Sa isang radio interview, sinabi naman ni Binoe na hindi umano siya nagdalawang-isip at agad na pumayag matapos na hilingin sa kaniya ng MNLF na tumulong sa nego­sasyon.

Ayon sa aktor, lumapit umano sa kanya ang isang tauhan ni Misuari at hiniling kung pupuwede siyang makatulong sa negosas­yon.

Minsan nang isinugal ni Binoe ang kaniyang buhay nang tumulong ito sa ne­ gosasyon para mapa­laya ang mahigit 50 bihag na guro at estudyante na kinidnap ng Abu Sayyaf noong Marso 20, 2000. (Joy Cantos)

Show comments