Itinuturing na ang Bureau of Immigration (BI) bilang aktibong kalahok sa kampanya ng gobyerno laban sa illegal recruiters at human traffickers nang pigilin nito ang pag-alis sa bansa ng mahigit 1,200 katao, na karamihan ay biktima ng travel fraud syndicates, noong 2008.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan, halos 2/3 ng 1,215 pasaherong pinigilang makaalis ay overseas Filipino workers (OFWs) na walang karampatang clearance mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ang mga nasabing pasahero ay nahikayat ng recruiters na magtrabaho sa ibang bansa kahit hindi kumukuha ng employment permits mula sa POEA, na posibleng maging dahilan ng pagmamaltrato at pag-abuso sa ibang bansa.
Sa ulat ng BI, 801 sa mga nasabing pasahero ay OFWs na sinubukang umalis ay hindi kumpleto ang mga papeles at walang clearance mula sa POEA.
Pinigilan ding makabiyahe ang 33 pasahero na may kahina-hinalang pasaporte, 23 na may questionable visas at 22 na pinaghihinalaang “tourist” workers (OFWs na nagpapanggap na turista).
Dagdag ni Libanan, hindi magsasawa ang BI na mapigilan ang pag-alis ng mga biktima ng illegal recruiters patungong ibang bansa dahil katungkulan ng pamahalaan na ilayo sila sa panganib. (Butch Quejada)