Tutulong ang South Korean government sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng global financial crisis sa kanilang bansa at gagawing prayoridad ang mga ito para sa kanilang mga bagong job openings.
Ayon kay Labor Secretary Marianito Roque ang impormasyon ay ibinigay ni Philippine Labor Attaché to Seoul, Atty. Delmer R. Cruz, kung saan tiniyak ng Ministry of Labor ng Korea na tutulungan ang mga apektadong OFWs at gagawin umanong prayoridad para sa mga bagong trabaho sa ilalim ng kanilang Employment Permit System (EPS).
Sa ilalim ng EPS, umabot na sa 20,961 OFWs ang nai-deploy sa Korea mula 2004 hanggang December 31, 2008.
Sa ngayon 74 OFWs pa lamang ang nakukumpirma ng DOLE na nawalan ng trabaho sa nasabing bansa dahil sa krisis.
Karamihan aniya sa mga apektadong manggagawa doon ay mula sa mga electronics at export sectors, na nagsu-supply ng mga produkto gaya ng semiconductors, LC at car accessories sa US at Europe. (Doris Franche)