Panel sa Alabang boys buo na
Buo na ang independent panel na mag-iimbestiga sa isyu ng suhulan sa kaso ng mga tinaguriang Alabang Boys.
Ang panel ay pamumunuan ni retired Supreme Court (SC) Justice Carolina Grino-Aquino, na siya ring namuno sa independent panel na nag-imbestiga sa isyu ng suhulan sa Court of Appeals (CA) kaugnay ng kaso ng Meralco at GSIS.
Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, hiniling ni Aquino na huwag isama sa panel ang sinumang miyembro ng executive department upang mapanatili ang pagiging independent nito.
Nagkasundo naman aniya sila na ilagay na miyembro ng panel sina retired Sandiganbayan Justice Raul Victorino at Dean Ranhilio Aquino ng San Beda Graduate School of Law.
Irerekomenda naman ni Gonzalez sa Malacanang na magpalabas ng executive order para mapagkalooban ng kapangyarihan ang panel tulad ng subpoena power.
Sinabi pa ni Gonzalez na ang resulta ng gagawing imbestigasyon ng panel ang pagbabatayan ng Pangulo kung may opisyal ng DOJ na papatawan ng suspensyon batay sa Civil Service Law, kasama na ang rekomendasyon kung sinu-sino ang dapat kasuhan kaugnay ng bribery. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending