Pinaiimbestigahan ni Justice Secretary Raul Gonzalez sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang piskal na nagbasura ng kaso ng Alabang Boys matapos na mapaulat na mayroong nagdeposito sa bank account nito ng P.8 milyon at P.8 milyon din sa account ng kanyang asawa.
Ang nasabing impormasyon na ipinadala sa pamamagitan ng fax message sa opisina ni Gonzalez noong Miyerkules ng hapon ay buhat sa isang Juan dela Cruz at mayroon din umanong kopya ng nasabing sulat si National Bureau of Investigation (NBI) director Nestor Mantaring.
Nakasaad sa nasabing anonymous letter na diniposito ang nasabing halaga sa bank account ni State Prosecutor John Resado sa Bando de Oro Bacoor, Cavite branch noong Disyembre 2, 2008, ang araw mismo na inilabas ng piskal ang kanyang resolution na nagbabasura sa kasong droga ng Alabang boys.
Maging sa pangalan umano ng asawa ni Resado na si Rowena ay bukod na idiniposito ang parehong halaga sa parehong bangko at bank account.
Sinabi pa ng Kalihim na ipinadala na rin niya ang fax letter na iyon sa Pangulo at sinabihan na siya nito na maging ang impormasyon tungkol dito ay isama sa imbestigasyon ng independent panel at hintayin na lamang ang magiging resulta nito.
Mariin namang pina bulaanan ni Resado ang nasabing impormasyon at ipinakita rin nito sa Kalihim ang kanyang bank book at sinabing ang pera nila ay mula sa revolving fund nilang mag-asawa dahil nasa lending business sila.
Bukod dito kumikita rin umano kada buwan ng P45,000 ang kanyang asawa buhat sa isang pribadong kumpanya.
Nilinaw pa ni Gonzalez na karaniwan ang anonymous letter umano ay hindi nila pinapansin maliban na lamang kung ito ay substantial complaint tulad nitong kay Resado.