Dahil sa umano’y kakulangan ng supply ng Liquified Petrolium Gas hindi lang sa Metro Manila kundi sa ilang probinsya, sinasamantala ito ng ibang tindahan sa Mindanao matapos na iulat na ibinibenta ang isang 11 kg na tangke ng LPG sa halagang P700.
Dahil sa mga ulat na masyadong pananaman tala ng ibang retailers sa nasabing lalawigan ay humingi na ng tulong ang Department of Energy sa Department of Trade and Industry upang maberipika kung totoo ang nasabing ulat.
Base sa mga sumbong na natanggap ng DOE, sa sobrang kakulangan ng supply ng LPG sa Mindanao simula pa noong Disyembre ng nakaraang taon ay sinamantala ito ng ibang tindahan particular sa mga bayan sa Basilan at Sulu dahil binibenta ang isang tangke ng 11 kg na LPG sa halagang P700 samantalang ang pangkaraniwang bentahan nito ay umaabot lang sa P475 kada 11 kg na tangke.
Samantala, nakaamba ang P4-P6 pang pagtaas sa presyo sa kada-kilo ng LPG o P44-P55 sa kada-11 kilogram tangke nito sa buwan ng Pebrero.
Ayon sa pahayag kahapon ng Liquigaz, isa sa mga manufacturer at dealer ng LPG, plano nilang ikasa ang nasabing presyo sa susunod na buwan sa kanilang cooking gas.
Kahapon ay unang nagtaas ang Petron Corporation ng P2 sa kada-kilo ng kanilang LPG.
Alas-12:01 kahapon ng madaling-araw nang ipatupad ng Petron ang nasabing taas-presyo.
Paiimbestigahan naman ng isang kongresista sa House of Representatives Committee on Energy ang kakulangan sa LPG at ang biglaan pagtaas ng presyo nito ng P2.00 kada kilo. (Edwin Balasa, Rose Tamayo-Tesoro at Butch Quejada)