Pinangangambahang patayin ng mga bandidong Abu Sayyaf ang kinidnap nilang mga kagawad ng International Committee of the Red Cross sa pagpapatuloy ng pagtugis sa kanila ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines.
Lumitaw ang pangambang ito kasabay ng pahayag kahapon ni Senador Richard Gordon na hiniling ng mga kidnaper na itigil ng militar ang pagtugis sa kanila.
Nilinaw agad ni Gordon na hindi kontrolado ng Red Cross ang galaw ng militar na patuloy ang paghahanap sa mga biktima na kinidnap noong nakaraang linggo.
Maayos naman umano ang kalagayan ng mga biktima at hindi rin sila sinasaktan ng mga dumukot sa kanila.
Nilinaw din ni Gordon na walang balak ang Philippine National Red Cross at ang ICRC na magbigay ng ransom sakaling humingi nito ang mga kidnappers.
Kabilang sa mga kinidnap ng mga bandido sa Sulu sina Andreas Notter, 38, ng Switzerland; Eugenio Vagni, 62, ng Italy; at Mary Jean Lacaba, 37, isang Pilipina.
Kaugnay nito, sinabi kahapon ni Sulu Provincial Police Office Chief Superintendent Julasirim Kasim na kilala na nila ang limang kidnapper ng mga taga-Red Cross.
Isa sa mga kidnappers ay ang dinismis na jailguard na si Raden Abu, ang itinuturong humarang sa behikulong sinasakyan ng mga biktima bago ito tinangay ng mga armadong bandido.
Kabilang pa sa mga kidnappers sina Abu Sayyaf Commanders Albader Parad, Sulaiman Patah at dalawang iba pa na kasamahan ng mga ito na aktibong kumikilos sa Sulu.
Maliban kay Parad kabilang pa sa lider ng mga bandido na namumugad sa Sulu ay sina Abu Jumdail alyas Doc Abu at Radulan Sahiron alyas Commander Putol.
Sa kasalukuyan ay puspusang ginagalugad ng Joint Task Force Comet na pinamumunuan ni Major Gen. Juancho Sabban ang lugar na pinagtataguan ng mga kidnappers sa kagubatan ng Indanan at Jolo, Sulu.
Samantala, sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez na iginagalang ng Malacanang ang news blackout na ipinapatupad ng AFP kaugnay ng operasyon para sagipin ang mga biktima.
Makakatulong anya ito para mailigtas ang tatlo.
Idiniin naman ng Philippine National Police na hindi maituturing na news blackout ang naturang patakaran dahil kapakanan at kaligtasan lang ng mga biktima ang isinasaalang-alang sa operasyon.