Nakatakdang iharap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong kontrobersyal na “Alabang Boys” sa gaga wing pagdinig ng Court of Appeals sa darating na Miyerkules matapos na umapela ang kampo ng mga suspek sa patuloy na pagkakaditine.
Sinabi ni PDEA Director General Dionisio Santiago na tiwala sila na papaboran ng mga mahistrado ng Appelate Court ang desisyon na patuloy na idetine sina Richard Brodett, Jorge Joseph at Joseph Tecson dahil sa sinunod lamang nila ang proseso.
Tinutukoy ni Santiago ang probisyon ng Department of Justice na kailangan munang dumaan sa automatic review ng kalihim ng DOJ ang kaso sa iligal na droga kung magkakaroon ng dismissal o acquittal bago ito maipatupad.
Iginiit ni Santiago na hindi pa pinal ang resolusyon na inilabas ng mga prosecutors ng DOJ sa pangunguna ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuno dahil sa wala pa itong lagda ni Secretary Raul Gonzalez.
Una nang nagsampa ng petisyon para sa “writ of habeas corpus” ang abogado ng Alabang boys na si Atty. Felisberto Verano dahil sa paniwalang nararapat na napalaya na ang kanyang mga kliyente nang mapawalang-sala ito ng mga prosecutors.
Isasagawa naman ang unang pagdinig sa naturang petisyon sa darating na Miyerkules kung saan inatasan ng 13th Division ng CA ang PDEA na iharap sa pagdinig ang mga akusado. (Danilo Garcia)