Tanging kay Supreme Court chief Justice Reynato Puno lamang umano nakahanda si Sen. Panfilo Lacson na mag-give way at isusuko ang ambisyong maging presidente ng bansa sa 2010.
Nilinaw ni Lacson na limitado lamang kay Puno ang kanyang offer at susuportahan niya ito sakaling magbago ang isip at tumakbo ring presidente ng bansa sa susunod na taon.
Nauna nang sinuportahan ni Lacson ang panawagang “moral force” ni Puno matapos mapabalitang may puwersang nais magpatalsik sa kanya sa puwesto.
Pero itinanggi ni Lacson na inuudyukan niya si Puno na makisali sa 2010 national elections bagaman sakaling magbago umano ang isip nito ay buo ang suportang matatanggap sa kanya.
“I’m not urging him to run...but kung sakali if and when he decides to run I’m willing to defer to him and only to him,”sabi ni Lacson.
Tanging kay Puno lamang umano niya isakripisyo ang presidential ambition sa 2010 at hindi aniya sa ibang pumopormang tatakbong presidente ng bansa.
Sa kasalukuyan ay may kabuuang 5 presidentiable ang nagsusulputan na kinabibilangan nina Sen. Manny Villar, Lacson, Loren Legarda, Francis Escudero III, Manuel Roxas II, at Makati Jejomar Binay sa panig ng oposisyon,
Tatlo naman ang ikinukunsiderang administration presidentiables, Vice Pres. Noli de Castro, MMDA Chairman Bayani Fernando at Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.