Itinalaga kahapon ni Pangulong Arroyo bilang associate justice ng Korte Suprema si Sandiganbayan Presiding Justice Diosdado Peralta kapalit ng nagretirong si Associate Justice Ruben Reyes.
Nagretiro si Justice Reyes bilang associate justice ng Supreme Court nitong Enero 3 matapos nitong maabot ang mandatory age na 70.
Si Justice Peralta ay isa sa 3 justices ng Sandiganbayan Special Division na lumitis at nag-convict kay dating Pangulong Joseph Estrada sa plunder case nito.
Si Peralta rin ang kauna-unahang ponente sa conviction ng plunder case noong 2001 sa kaso ng isang kahera na si Dominga Manalili, na nahatulan ng 2 ulit na life sentence sa paglustay ng pondo ng Bureau of Internal Revenue.
May anim pang itatalagang mahistrado si Pangulong Arroyo sa Korte Suprema bunsod ng magkakasunod na pagreretiro nina Associate Justices Adolf Azcuna sa Pebrero 16, Dante Tinga sa Mayo 11, Consuelo Ynares-Santiago sa Oktubre 5, Leonardo Quisumbing sa Nobyembre 6, Ma. Alicia Austria Martinez sa Dis. 1 at sa Dis. 5 naman si Mi nita Chico-Nazario. (Rudy Andal/Ludy Bermudo)