Isang mambabatas sa Singapore ang sinunog ng isang lalakeng naimbiyerna nang mabigo siyang makatanggap ng perang pinamigay ng biktima sa mahihirap na residente sa pagdiriwang kamakalawa ng Lunar New Year.
Kinilala sa isang ulat ng lokal na pahayagang Straits Times ang biktima na si Seng Han Thong, 59 anyos.
Nalapnos ang ulo, mga bisig at itaas na bahagi ng katawan ni Seng makaraang buhusan siya ng gasolina at sindihan ng suspek na si Ong Kah Chua, 70 anyos.
Isa pa sa nasugatan sa pananalakay ni Ong ang isang 69 anyos na community leader sa kanilang lugar.
Inaresto ng pulisya si Ong na kinasuhan ng two counts of causing grievous hurt.
Nabatid na si Ong ay isang dating taxi driver na labas-masok sa Institute of Mental Health ng Singapore.
Ayon sa ulat, pinagliyab ni Ong ang katawan ni Seng matapos itong mamigay ng pera sa mahihirap na residente sa isang community center sa Singapore.
Ang mga perang pinamudmod ni Seng ay nakasilid sa pulang envelope at tradisyon nang ginagawa tuwing Lunar New Year.
Pero napaulat na hindi nakatanggap si Ong ng pinamigay na pera kaya nagalit siya, binuhusan ng gasolina ang mambabatas bago pinag-apoy ang katawan nito. (Associated Press)