Nagbabala kahapon si Justice Secretary Raul Gonzalez sa mga prosecutor na tuluyan silang matatanggal sa serbisyo kapag pinilit nilang magbitiw sa mga hinahawakan nilang kasong may kinalaman sa bawal na gamot.
Pinaalalahanan din ng kalihim ang mga prosecutors na mayroon silang mandato na isulong ang mga kasong kriminal kabilang dito ang mga drug related cases.
Kaugnay nito, inatasan na ng Malacañang ang Department of Justice at Philippine Drug Enforcement Agency na tigilan na ang iringan at unahin ang pagtatrabaho upang tugisin ang mga drug lords.
Ayon kay Deputy presidential spokes-man Anthony Golez Jr. mas mabuting pagtuunan na muna ng pansin ng dalawang ahensiya ang kanilang trabaho kaysa magbatuhan ng mga akusasyon.
Nagsimula ang ‘word war’ ng DOJ at PDEA dahil sa drug case ng mga tinaguriang ‘Alabang Boys’ kung saan nagkaroon pa ng imbestigasyon ang House of Representatives.
Ibinunyag ng isang opisyal ng PDEA na may nagtangkang manuhol sa kanya kapalit ang kalayaan ng mga tinatawag na “Alabang Boys’ na mula sa ma yayamang pamilya sa Ayala, Alabang.
Idinagdag pa ni Golez na maaaring palitan ang mga prosecutors na nagbabantang mag-re-resign ng isang anti-drug task force.
Samantala, hindi pa man tapos ang kontrobersiya sa DOJ kaugnay sa kasong droga ng Alabang boys, sumingaw ang panibagong kaso ng pagpapalaya sa dalawang Chinese nationals na may kasong droga na kinukuwestiyon ng Philip- pine Drug Enforcement Agency.
Ito ay matapos na idepensa kahapon ni Justice Undersecretary Fidel Exconde ang ginawang automatic review sa drug case sa Zamboanga City ng dalawang Chinese nationals kabilang dito si Lucky Ong.
Sinabi ni Exconde na walang katotohanan ang alegasyon ni Sr. Supt. Adzhar Albani ng PDEA Western Mindanao na nakialam ang DOJ sa kaso.
Ayon naman kay Exconde walang mabigat na ebidensiya ang PDEA na magdidiin kay Ong kaya dinises-yunang mapalaya ito.