Tinanggihan ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang kahilingan ng DOJ-Task Force on Anti-Illegal Drugs na palitan sila bilang mga miyembro nito dahil na rin sa umano’y kinukuwestiyon ang kanilang kredibilidad bunsod sa pagbabasura nila ng kasong illegal na droga sa mga tinaguriang Alabang Boys.
Una nang hiniling ni State Prosecutor John Resado ang pagbibitiw dahil sa apektado na rin ang kanyang pamilya bunsod sa kinasasangkutang kontrobersya kaya’t hangad umano nito na magkaroon ng matahimik na pamumuhay.
Sinundan naman ito ng chairman ng Task Force na si State Prosecutor Philip Kimpo at hiniling din ng iba pang opisyal nito ang pagbubuwag sa Task Force subalit tumanggi ang Kalihim at sinabi nitong walang dapat mabago sa Task force.
Hindi naman nagbigay ng paliwanag ni Gonzalez sa kung bakit hindi nito pinagbigyan ang pagrelieve sa mga miyembro at opisyal ng Task Force.
Ang nasabing task force ang humahawak sa mga kasong may kinalaman sa droga na isinasampa sa DOJ kung saan ang miyembro umano ng grupo ay nasa 20. (Gemma Amargo-Garcia)