Pagbuhay sa bitay kinontra ng Palasyo

Hindi suportado ni Pangulon Arroyo ang panukalang ibalik ang death penalty dahil la­mang sa Alabang Boys drug scandal.

Ayon kay Presidential Management Staff chief Cerge Remonde, nana­natili ang suporta ni Pa­ngulong Arroyo sa pani­nindigan ng Simbahang Katoliko na tutol sa paru­sang bitay.

Kaysa ibalik ang death penalty ay mas nais ni Pa­ngulong Arroyo na buma­langkas ng “comprehensive plan” laban sa illegal drugs.

Idinagdag pa ni Re­monde, nasa kamay ng Kongreso ang desisyon sa usapin ng pagbabalik ng death penalty law pero mahigpit ang pagtutol dito ni Mrs. Arroyo.

Ilang kongresista ga­yundin ang Dangerous Drug Board, Philippine Drug Enforcement Agency at Volunteer Against Crime and Corruption ang nag­nanais na ibalik ang paru­sang bitay.

Magugunita na nilag­daan ni PGMA ang isang batas noong 2006 na nagbabasura sa paru­sang bitay ilang buwan matapos siyang magtu­ngo sa Vatican City upang bumisita kay Pope Bene­dict XVI.

Di solusyon - CBCP

Ayon naman kay Ma­lolos Bishop Jose Oli­veros-chairman CBCP-Episcopal Commission on Bioethics, hindi sagot ang death penalty o pag­kitil pa ng isang buhay upang masolusyunan ang isa pang krimen.

Anya, ang isang krimi­nal ay dapat na binibigyan ng pagkakataong mag­bago. Mapipigilan lamang ang krimen kung seryoso ang pamahalaan at anu­mang ahensiya sa kani­lang trabaho.

Nagpapatuloy ang pag­taas ng bilang ng krimen dahil talamak pa rin ang korupsyon sa alin­mang sangay ng gob­yerno.

Mas dapat umanong parusahan ang mga nag-bribe at tumanggap ng suhol partikular ang mga opisyal ng Department of Justice (DOJ), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang tatlong Alabang Boys na sinasa­bing mga drug pusher.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Lingayen-Da­gu­pan Archbishop Oscar Cruz na ang malambot na judicial system at mahi­nang  police force ang ilan sa mga dahilan kaya na­mamayagpag pa rin ang iligal na droga sa bansa.

Iginiit ni Cruz na kada­lasang nababasura ang mga kaso ng mga drug pusher dahil na rin sa tek­nikalidad at sa hindi pag­pupursige ng mga pulis na maakyat ang kaso sa korte.

Kung epektibo ang death penalty, matagal na umano sana itong universal law at walang karu­mal-dumal na krimen ang maitatala sa lahat ng bansa.

Show comments