Mas matinding kampanya ng PASG sa 2009

Inihayag kahapon ng pamunuan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na mas lalo pa nilang paiigtingin at titindi ang kanilang kampanya laban sa mga smugglers ngayong 2009 para mapa­ngalagaan ang mga local at small industries sa bansa.

Sa kanyang yearend report kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sinabi ni PASG Usec. Antonio “Bebot” Villar na ka­ilangan bantayan ng ma­buti ang mga lahat ng da­ungan sa posibleng pag­dagsa ng mga smug­gled goods mula sa ibang bansa na maa­aring maka­apekto sa mga lokal na kumpanya at ma­nu­facturers.

“Habang patuloy ang puspusang pagsuporta ng Pangulo sa PASG, tinitiyak ko na hindi rin kami titigil sa aming misyon kahit na masagasaan pa namin ang ilang ma-impluwen­siyang protector ng mga smugglers sa bansa”, ani Villar.

Napag-alaman din sa naturang report na mahigit sa P16 bilyong pisong mga kontrabando ang nasam­sam ng PASG noong nag­daang taon, kasama na ang pinakamalaking drug bust sa kasaysayan ng bansa na umabot sa hala­gang P15 bilyon sa Subic Bay Freeport, Zambales noong Abril.

Sinabi ni Villar, mas ma­rami pa sana silang ma­kukumpiskang mga kon­tra­bando kung may sapat lamang silang mga tao at kagamitan.

Aniya, dahil sa kakula­ngan ng tauhan ang PASG ay hindi na mabantayan ang mga pribadong pier sa mga lalawigan at dahil sa kulang ng kagamitan tulad ng speed­ boats ay hindi naha­habol sa karagatan ang mga barko ng mga smugglers.

“Im sure the President will look into our needs this year, pero siyempre inuuna lamang niya ang kapaka­nan ng mamamayan,” anang PASG director. (Butch Quejada)

Show comments