Mismong pamilya uma no ng mga tinaguriang “Alabang boys” ang nagtangkang manuhol ng milyun-milyong piso sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para ilaglag ang kaso laban sa mga drug suspek.
Sa isinagawang pagdinig kahapon ng House committee on drugs kaugnay sa P50-M bribery scandal, ibinunyag ni Major Ferdinand Marcelino, hepe ng Special Operation sa PDEA at team leader ng grupo, na pagkaaresto nila sa mga suspek ay tinawagan siya ng isang “Joe Tecson” na nagpakilala umanong kamag-anak ng isa sa mga suspek at inalok ng milyun-milyon para ilaglag ang kaso na tinanggihan naman umano ng opisyal.
Ang grupo ni Marcelino ang nag-entrap at umaresto sa mga suspek na sina Richard Santos Brodett, Jorge Jordana Joseph at Joseph Ramirez Tecson.
Nabulgar din na mismong abogado ng Alabang boys na si Atty. Felixberto Verano ang sumulat ng “draft” ng release order at ipinadala sa opisina ni Justice Sec. Raul Gonzalez.
Inamin kahapon ng sekretarya ni Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor na si Janet Payoyong na nakatanggap ito ng isang selyadong envelope noong December 23, 2008 mula kay Atty. Verano kung saan ito ay naglalaman ng “order” at ng tanungin umano niya si Blancaflor ay inatasan lamang siya nito na kausapin na lamang si State Prosecutor John Resado, piskal na nakatalaga sa nabanggit na kaso.
At dito ay sinabi naman umano sa kanya ni Resado na dalhin ang nabanggit na order sa opisina ni Secretary Gonzalez.
“Ang sabi po niya sa akin may usapan na sila ni Sec. Gonzalez tungkol dyan (release order).
Gayunman, inamin ni Blancaflor na nakipag-usap siya kay Verano at sa pamilya ng mga nasabing akusado ngunit hindi umano ito dapat bigyan ng masamang kahulugan dahil ang ginawa umano niya ay hindi naman pumapabor sa mga ito.
Kasunod nito ay inamin din ni Blancaflor na naki pag-usap din umano si Gonzalez kay Verano at sa pamilya ng mga akusado ngunit hindi naman umano pinayagan ng Kalihim na mapalaya ang mga ito.
Samantala, inamin naman ni Atty. Verano na siya ang naghanda ng resolution noong Disyembre 23, na ipinadala niya sa tanggapan ni Blancaflor upang makarating ito kay Secretary Gonzalez.
Inamin pa nito na nagmamakaawa siya sa pirma ni Gonzalez kaya ginawa niya ang draft resolution at nangangamba rin si Verano na wala nang pumasok ng Disyembre 24 kaya hinabol niya ito ng Disyembre 23.
Aminado din si Verano na hindi normal na ang isang abogado ay gumawa ng draft resolution subalit pinabulaanan nito na iniimpluwensiyahan niya ang desisyon.
Sinabi naman ni Parañaque Rep. Roilo Golez na puwedeng ma-disbar si Verano dahil sa ginawa nito.