Napanganga at namangha ang mga kawani ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at maging ang media nang makita ang naitala at tinaguriang ”Tallest Man in the World” nang dumating ito sa bansa kahapon.
Kinilala ang pinakamalaking tao na si Ijaz Ahmed,26-anyos, may taas na 8 feet 4 inches at tubong Punjab, Pakistan. Siya ay tumitimbang ng 287 pounds at ang sukat ng sapatos ay umaabot sa 22 inches.
Ayon sa mga doktor ni Ahmed, patuloy pa ang pagtaas ng sinasabing pinakamalaking tao sa buong daigdig.
Ang mala-higanteng si Ahmed ay akay-akay ng dalawa nitong alalay na sina Mohammad Yaseen at Jamil Ahmed nang lumapag sa NAIA Terminal 1 sakay ng Thai Airways flight TG-621.
Kailangan pang alalayan ng dalawang tao si Ahmed dahil hirap itong lumakad mag-isa sanhi sa pagkakabalda ng kanyang kanang paa bunga ng vehicular accident ilang taon na ang nakalilipas.
Ayon naman sa tumatayong promoter ni Ahmed na si Yaseen, layunin nang pagtungo ng “tallest man in the world” sa Pili pinas ay makalikom ng pondo sa pamamagitan ng fund raising upang pantustos sa kanyang kalagayan.
Sinabi ni Ahmed na siya lamang ang natatangi sa kanilang pamilya, magulang at mga kapatid, na abnormal ang height dahil pawang normal ang laki ng kanyang pamilya.
Kahit abnormal ang taas at laki ni Ahmed, normal naman ang kanyang pag-iisip, pananaw at mithiin sa buhay.
Ilan sa mga paborito nitong sports ay cricket at baseball. Hilig nito ang kumain ng Pakistani vegetables at Chinese foods. (Ellen Fernando)