Biktima ng ligaw na bala tumaas

Sa kabila ng bumaba ang mga naitalang biktima ng paputok, tumaas naman ang bilang ng mga tinamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa 2009.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Nicanor Bartolome na tumaas ng tatlong kaso ang biktima ng stray bullet kung saan may 39 na biktima ngayong taon kumpara sa 36 kaso na naitala noong nagdaang taon.

Kasabay nito, sinabi ni Bartolome na naging mapayapa sa pangkalahatan ang pagsalubong sa Bagong Taon sa lahat ng dako ng Pilipinas.

Ayon kay Bartolome sa kabila ng ilang insidente ng pagsabog kabilang ang pambobomba sa Oval Plaza ng General Santos City ay naging mapayapa at matiwasay ang pagsalubong sa 2009.

Base sa tala ng PNP, pinakamarami na tinamaan ng ligaw na bala ay mula sa National Capital Region (NCR) na may siyam na kaso, sinundan ng Region 6 na may pitong kaso, anim sa Region 4A, at anim sa Region 12.

Binigyang diin ni Bartolome na iimbestigahan nila ang lahat na kaso ng biktima ng stray bullet kung saan aalamin sa pamamagitan ng PNO Crime Laboratory ang mga ginamit na bala kung may katugma ito sa mga baril ng pulis, sundalo maging sa mga lisensyadong armas ng sibilyan.

Inihayag din ni Bartolome na may walong naarestong suspect sa indiscriminate firing, kabilang dito ang dalawa sa Region 4B, tatlo sa Region 7, dalawa sa NCR.

Samantala bahagyang tumaas din ang insidente ng sunog ngayong taon, kung saan 10 ang naitala kama­kalawa ng gabi sa pagsalubong sa 2009 na mas mataas ng tatlo kung ikukumpara noong nakalipas na taon na may pitong kaso. (Joy Cantos)

Show comments