Bitay sa 27 OFWs pipigilan ng DFA
Umaasa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na mapapababa o mako-commute ang parusang bitay na ipinataw sa may 27 overseas Filipino workers (OFWs) sa anim na bansa.
Ayon kay DFA Undersecretary Esteban Conejos Jr., sa kasalukuyan ay mayroon pang 37 aktibong death penalty cases na nasa iba’t ibang estado ng judicial proceedings at karamihan sa mga naturang OFWs ay nakadetine sa mga bansang Saudi Arabia, Kuwait, Brunei, China, Malaysia at Estados Unidos.
Dalawang Pinay aniya ang nahaharap sa death row sa Saudi Arabia at Kuwait habang ang ilan ay nakakulong sa China dahil sa kasong drug smuggling.
Tiniyak naman ni Conejos na pinagkakalooban nila ng legal assistance ang mga naturang OFWs at gumagawa rin anila sila ng diplomatic means upang mapababa ang parusang kamatayan sa mga ito.
Ayon naman kay DFA Secretary Alberto Romulo, ang death sentence sa may 26 na iba pang Pinoy ay una nang na-commute at 11 sa mga ito ang napauwi sa bansa.
Aktibo rin aniya ang DFA sa pangangampanya na i-abolish o kaya’y magkaroon man lamang ng moratorium sa death penalty sa mga bansa kung saan may mga Pinoy na nakakulong.
Ayon kay Conejos, sa bansang China ay mayroong two-year reprieve sa mga dayuhan na nahatulan ng bitay at kung magpapakabait lamang umano ang mga ito sa bilangguan ay tiyak na mapapababa ang kanilang sentensiya. (Mer Layson)
- Latest
- Trending























