Bagaman at hindi naman mga pulis kundi mga mambabatas, balak na rin ng isang senador na pa-imbestigahan sa Senado ang kasong murder nina Teofilo Mojica, isang dating empleyado ng agriculture at Marlene Esperat, dating agriculture resident ng Ombudsman na kapwa ang pagkakapaslang ay iniuugnay sa fertilizer fund scam.
Sa statement na ipinalabas kahapon ni Sen. Richard Gordon, nangako ito na ipahahalukay sa mataas na kapulungan ang murder case ng dalawa dahil sa paniwalang konektado ito sa iniimbestigahang fertilizer fund scam.
Hindi aniya sapat ang mga rebelasyon na milyon-milyong pondo ng taumbayan ang nanakaw dahil sa nasabing fertilizer fund scam kundi may nagbuwis din ng buhay sa katauhan nina Esperat at Mojica.
Pero aminado si Gordon na natatakot siya para sa kaligtasan ng mga tesstigo sa nasabing anomalya.
Nauna nang binatikos ni Gordon ang Ombudsman at ang Department of Agriculture dahil sa hindi pagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa pagpaslang kina Esperat at Mojica. (Malou Escudero)