Bugbugan sa golf course: 'Kami ang biktima' - Pangandaman
Mariing itinanggi kahapon ng anak ni Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman Sr. ang pambubugbog sa isang 14-na taong gulang na batang lalaki at sa ama nito sa isang golf course sa Antipolo noong Biyernes.
Ayon kay Nasser Pangandaman, Jr., mayor ng Masiao, Lanao del Sur, sila ang biktima ng nasabing pambubugbog at hindi tulad ng mga lumalabas sa balita sa ilang pahayagan.
Paliwanag ni Mayor Pangandaman, naglalaro sila ng golf sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo, noong 11:00 ng umaga ng December 26, nang magkaroon ng isang mainitang pagtatalo ang grupo niya at ng pamilya dela Paz sa pangunguna ng ama nito na si Delfin, 66; anak na si Marie, 18, at anak na si Bino, 14, at naglalaro ng golf noon sa Hole No. 3, nang dumaan ang grupo ni Pangandaman.
Ayon kay Nasser Jr., dumaan sila dahil hinahabol nila ang kanilang kasama na ng mga oras na iyon ay nasa Hole No. 4 na, dito na umano nagalit si dela Paz at sinita sila kung bakit ino-overtake sila at hindi sila makapaghintay.
Magalang pa umanong humingi ng paumanhin si Nasser, Jr at sa inakala nito na naayos ang problema at tumuloy na sila sa Hole No. 5, ngunit nang pumapalo na si Nasser, Jr. ay bigla umanong pumalo din ng golf ang grupo ni dela Paz at muntik na silang tamaan at dito nag-umpisa na naman ang mainitang pagtatalo ng dalawang panig.
Naawat lamang ang dalawang grupo sa pamamagitan ni Sec. Pangandaman at ilang staff ng golf course.
Kapwa pamilya ay nagsampa ng reklamo sa Antipolo Police matapos ang insidente. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending