'Missing link' sa fertilizer scam sumuko na
Nagpakita na kahapon sa Senado ang kontrobersyal na si Jaime “ Jimmy “ Paule na sinasabing ‘missing link’ sa kontroberisyal na P728M fertilizer fund scam.
Kasama ang kanyang abogadong si Atty. Ferdinand Topacio, dumating si Paule dakong alas 11:45 ng umaga na humarap pa sa isang press conference ilang minuto matapos siyang magpakita sa tanggapan ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee.
Itinanggi ni Paule na nagtrabaho siya bilang liaison officer ng Malacañang pero inamin nitong kakilala niya si Leonicia Llarena, dahil nagtrabaho umano ang kanyang anak bilang writer nito.
Si Llanera ang sinasabing financier ng farm inputs at farm implements sa fertilizer fund project.
Katulad ng mga naunang testigo sa fertilizer fund scam na sina dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante at sinasabing runner nito na si Maritess Aytona, nagkasakit din umano si Paule kaya kahit isang beses ay hindi siya nakadalo sa hearing ng Blue Ribbon Committee.
Ilang beses umanong nagpapabalik-balik sa St. Luke’s Medical Center sa Quezon City si Paule dahil sa barado ang kanyang carotid artery. Itinanggi din ni Paule na kakilala niya si Bolante, ang itinuturong arkitekto ng fertilizer fund scam.
Nangako si Paule at abogado nito na dadalo sa susunod na imbestigasyon sa Enero 20 sa susunod na taon.
Pumirma rin sa isang kasunduan si Paule at ang abugado nito na sumasang-ayon na hindi ito lalabas ng bansa hangat hindi pa natatapos ang pagdinig ng komite sa fertilizer fund.
Sa kabila nang pag-amin ni Paule na kakilala nito si Llanera, itinanggi nito na siya ang sinasabing Jimmy Paule, dahil ang tunay umano niyang pangalan ay Jaime Lionzon Paule at tubong Lubao, Pampanga ang kanyang ama.
Maraming aniyang Jimmy Paule na kapangalan nito ang nakarehistro sa NBI, pero inamin niya na mayroon siyang record noon sa nasabing ahensya ng kasong Estafa subalit nadismis na aniya ang nasabing kaso.
Ayon sa abogado ni Paule, sa hearing na lamang ng komite sa Enero 20 nila idedetalye ang pagkaka-ugnay ng kanyang kliyente sa kontrobersya ng fertilizer.
Matatandaan na nagpalabas ng arrest order ang Blue Ribbon Committee laban kay Paule matapos na makailang beses nitong isnabin ang pagdinig sa Senado. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending