Inamin kahapon ng presidente ng Feshan Philippines Inc. na si Julie Gregorio na dinoble at ginawang P105 milyon ang dapat sana’y P50 mil yong halaga lamang ng fertilizer na bahagi ng P728M fertilizer fund scam kung saan nadidiin si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante.
Sa pagharap sa Senado ni Gregorio, inamin nito na inutusan umano ang kanilang kompanya ni Maritess Aytona, ang sinasabing runner ni Bolante, na doblehin ang ilalagay na presyo ng fertilizer at mula sa P50 milyon, ito ay ginawang P105M.
Pero ayon kay Gregorio, P50M lamang ang napunta sa kanilang kompanya na taliwas naman sa iniulat ng Commission on Audit.
Ayon pa kay Gregorio, ang halaga ng kanilang fertilizer ay P463 per liter at ibinibenta nila ito sa P600 per liter. Pero ayon sa report ng COA, ang biniling fertilizer ng gobyerno ay nagkakahalaga na ng P1,500 per liter.
Sinabi ni Gregorio na si Aytona ang nag-utos sa kanila na itala na P105 milyon ang halagang fertilizer sa kanilang kompanya at kumuha umano ng isang accountant upang mag-balance ng kanilang libro.
Pero katulad nang inaasahan, itinanggi ni Aytona ang mga paratang ni Gregorio.
Sa pagharap niya sa Senate Blue Ribbon Committee, pinabulaanan ni Aytona na runner siya ni Bolante.
Ayon kay Aytona, isa siyang consultant ng isang foundation na nagpatupad ng P728M fertilizer fund project. “Ako po ay hindi runner dahil consultant ako ng foundation,” ani Aytona sa mga senador.