Mga Korte sa Sulu walang judge
Labis na ikinababahala ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. ang kawalan ng judge na nais magtrabaho sa Sulu dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Pimentel, dapat ay mayroong apat na Regional Trial Courts maliban pa sa mga municipal trial courts sa 18 bayan sa Sulu, pero ayon umano sa impormasyong kanyang nakuha, walang gustong magdaos ng hearing o sesyon sa nasabing probinsiya at isinasagawa pa ito sa Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.
“There are supposed to be four Regional Trial Courts aside from municipal trial courts in the l8 towns in Sulu, but all the assigned judges stay and hold sessions in Zamboanga City in Zamboanga del Sur due to concerns for their personal safety,” sabi ni Pimentel.
Lumabas aniya na walang umiiral na justice system sa Sulu at kinakailangan pang magbiyahe ng malayo patungong Zamboanga City ang mga nais magsampa ng kaso.
Sinabi pa ni Pimentel na dahil maituturing na “virtually non-existent” ang mga korte sa Sulu, lalong lumalaki ang problema sa batas sa nasabing probinsiya na pinalala pa ng problema sa insureksiyon.
Ayon pa kay Pimentel, dahil walang legal system sa Sulu, posibleng dinadaan na lamang sa gantihan o dahas ang mga kasong dapat isinasampa sa korte.
“If there is no working legal system in Sulu, where will the people seek redress for their grievances? Probably, they will resort to what Mao Tse Tung had once said that power emanates from the barrel of the gun. And that is probably what is happening in Sulu today,” ani Pimentel.
Kaugnay nito, iginiit ni Pimentel kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, chairman ng committee on justice and human rights, at sa kanyang counterpart sa House of Representatives, na pag-aralan ang posibilidad nang pagtataas ng sahod ng mga judges sa Sulu at pagbibigay sa kanila ng seguridad upang hindi matakot na gampanan ang kanilang tungkulin.
Matagal na rin umanong walang sitting judges sa Sulu at maliwanag na nagbubulag-bulagan at pinagwawalang bahala na lamang ng gobyerno ang nasabing problema.
“I cannot imagine how we can consider Sulu as a part of the Republic of the Philippines if there is not a single working sala of the courts there,” pagtatapos ni Pimentel.
- Latest
- Trending