Status quo sa pinag-aawayang congressional seat sa Taguig inutos ng Supreme Court
Nagpalabas kahapon ng status quo order ang Korte Suprema para sa dalawang nag-aaway na panig sa congressional seat sa Taguig City kung saan inatasan na mananatili pa muna pansamantala bilang 2nd District Representative si Henry “Jun” Duenas Jr.
Sa kabila nito inilinaw naman ng Supreme Court na bagamat may status quo order ay mag papatuloy ang bilangan ng boto sa House of Representative Electoral Tribunal (HRET).
Kasunod nito ay inatasan din ng SC en banc sina Duenas at ang protester na si Angelito “Jett” Reyes gayundin ang HRET na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 10 araw.
Matatandaan na noong Dec. 2 ay hiniling ni Duenas sa SC na patigilin ang HRET sa ginagawang nitong revision ng mga balota. Sa kanyang petisyon sinabi nito na ang ginagawang rebisyon ng mga balota ng HRET gamit ang sarili nitong pondo batay na rin sa naging protesta ni Reyes ay maituturing na illegal at unconstitutional disbursement ng public funds.
Binatikos din nito ang pagiging bias ng HRET nang ibasura nito ang kanyang isinampang petisyon para bawiin ang kanyang nauna nang isinampang counter-protest, kasabay ng pagbabasura sa kanyang petisyon ay ipinagpapatuloy ng HRET ang rebisyon sa mga balota.
Ang kaso ay nag-ugat nang si Duenas, dating konsehal ay naiproklamang nanalo na may 28,564 boto kumpara sa 27,107 boto na nakuha ni Reyes habang 22,264 boto naman ang nakuha ng ikatlong kandidato na si Arturo Alit.
Kinuwestiyon ni Reyes ang resulta ng eleksyon at nagsampa ng election protest na nagbigay daan para iutos ng HRET na buksan at magkaroon ng rebisyon sa mga balota.
Nagsampa naman ng kanyang counter-protest si Duenas at sa naging resulta ng bilangan ay lumitaw na 166 na lamang ang lamang ni Duenas kay Reyes mula sa dating 1,457.
Ito ang nagbigay daan para hilingin ni Duenas na itigil na ang ginagawang pagbilang ng boto ng HRET na ibinasura nito sa halip ay inatasan si Dueñas na magbayad ng P320,000 bilang bayad sa mga gastusin sa ginawang rebisyon sa mga balota sa mga presintong tinukoy nito sa kanyang counter-protest na nais nyang magkaroon ng recount ng mga boto. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending