Sinabihan ni House Speaker Prospero Nograles ang mga taong nagsasagawa ng hunger strike sa harapan ng entrance gate ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kabilang ang ilang mga obispo na ihinto na ang kanilang ginagawang protesta dahil nagkasundo na ang mga senador at mga kongresista na maghahain ng isang joint Senate House Resolution para palawigin ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay Nograles, nagkasundo sila ni Senate President Juan Ponce Enrile, Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri at Senator Edgardo Angara na palawigin hanggang Hunyo 2009 ang CARP upang mabigyan sila ng sapat na panahon para mapag-aralan ang mga importanteng probisyon sa pinapanukalang reform agenda ng programa ng pamahalaan.
Isinampa kahapon ang joint resolution na iniakda nina Nograles, House Majority Rep. Arthur Defensor at Bicol Rep. Edcel Lagman na agad naman sesertipikahan ni Pangulong Arroyo bilang urgent bill.
Gayunman, ihahain sa Senado ni Zubiri ang gagawin sa Kamara para makabalik na sa kanilang mga lugar ang mga nagpo-protestang magsasaka.
Samantala, gusto ni Nograles na magkaroon ng tigil-putakan hinggil sa isyu ng Charter Change dahil mas prioridad ng mga kongresista na tapusin ang tungkol sa national budget ng gobyerno at ang CARP.
Ayon kay Nograles, malamang na pag-usapan nila ang tungkol sa Chacha sa pagbabalik ng mga kongresista sa Enero 20 matapos ang kanilang Christmas break.
Gayunman, sinabi ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte na mukhang umaatras na umano si Nograles sa isyu ng Chacha dahil nananawagan na ang huli ng ceasefire sa isyung ito. (Butch Quejada)