Bagamat nagulat sa kanyang nabalitaan, wala nang magagawa pa si Filipino boxing promoter/manager Rex “Wakee’ Salud kundi ang suportahan ang desisyon ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na pasukin muli ang pulitika.
Ito’y matapos ihayag kamakalawa ni Pacquiao ang kanyang kandidatura para sa Congressional seat ng Saranggani sa eleksyon sa 2010 matapos magparehistro sa Commission on Elections (Comelec) office sa Kiamba bilang isang registered voter.
“Ang akala ko kasi sa Quezon City siya tatakbo,” ani Salud, tumatayong manager ni Pacquiao. “Ang advise namin sa kanya talaga ay huwag muna niyang pasukin ang pulitika. Pero kung saan siya maligaya, wala kaming magagawa.”
Si incumbent Rep. Edwin Chiongbian ay nasa kanyang ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng Saranggani sa Kongreso.
“Noong tumakbo ako sa GenSan hindi ako preparado. Parang nagmadali ako eh,” ani Pacquiao, nauna nang nagsabing dalawa hanggang tatlong laban na lang ang natitira sa kanyang boxing career bago tuluyang magretiro sa 2010.
“Sa tingin ko ito na ‘yung tamang panahon para makatulong ako sa aking mga kababayan,” sabi pa ng Pambansang Kamao.
Wala namang angal si Salud sa nasabing plano ni Pacquiao bunsod na rin ng inabi kamakailan ni Quezon City 2nd District Rep. Annie Rosa Susano na 70 percent nang pumayag na kakandidato sa 1st District ng nasabing lungsod.
“Kung anong gusto ni Manny, susuportahan namin siya. Iyon naman talaga ang sinasabi niyang misyon na tulungan ang kanyang mga kababayan,” wika ni Salud kay Pacquiao, nasa partido ng People’s Champ Movement (PCM).
Solidong suporta rin ang inaasahang makukuha ni Pacquiao mula sa Kabalikat ng Mamamayang Pilipino (Kampi) na partido ni Pangulong Arroyo bukod pa sa kayang ‘political adviser’ na si dating Manila Mayor at ngayon ay Environment Secretary na si Lito Atienza.