1,423 OFWs nawalan ng trabaho

Inaasahang may 1,423 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa apat na bansa ang nawalan ng trabaho bunsod pa rin ng nararanasang krisis pang-ekonomiya sa buong mundo.

Sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang Taiwan ang may pinakamataas na bilang ng mga na-lay-off na manggagawa na umabot na sa 1,263.

Umaabot naman sa 75 Pinoy ang natanggal sa shipping building industry sa Australia.

Sa nasabing bilang mayroon nang 50 ang nakabalik sa bansa, may 15 ang naghahanap pa rin ng ibang trabaho sa Australia, at may pitong nakahanap na ng ibang trabaho.

Sa Brunei naman ay mayroon umanong 69 Pinoy ang natanggal sa trabaho mula sa isang garment factory, habang 16 Filipino linemen naman ang naapektuhan ng lay-off sa United Kingdom service telecommunications company.

Kasabay naman nito, tiniyak ni Labor Secretary Marianito Roque na handa ang pamahalaan na tulungan ang mga unemployed OFWs sa sandaling bumalik sila sa bansa.

Sa kabila naman ng mga nasabing lay offs, sinabi ni Roque na sa ngayon nakakapag-proseso pa rin sila ng aabot sa 2,800 na kontrata kada araw para sa mga papaalis na OFWs.

Mas tumaas pa nga aniya ang overseas deployment ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.

Posible naman na mas marami pa ang mawalan ng trabaho na mga OFWs sa mga susunod na buwan, dahil inaasahang sa kalagitnaan ng taong 2009 ay mas mararamdaman ng mga kumpanya ang epekto ng financial crisis sa iba’t-ibang panig ng mundo. (Doris Franche)

Show comments