BI 5th place na sa giyera vs katiwalian

Mula sa ikapitong pu­westo, umakyat ang Bureau of Immigration (BI) sa ikalimang puwesto sa listahan ng 100 government agencies na binibig­yan ng grado ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) batay sa kanilang performance pagdating sa giyera kontra katiwalian.

Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, ang pag-angat ng BI sa listahan ng PAGC ay ini­hayag sa 3rd Quarter Integrity Development Action Plan (IDAP) meeting ka­makailan sa Malacañang.

Bago dito, ang BI ay nasa ikapitong posisyon sa top 10 list ng PAGC na may kinalaman sa “most compliant” government agen­cies­.

May kabuuang 100 go­vernment agencies ang sinisilip kada quarter ng PAGC ukol sa kanilang kampanya kontra katiwa­lian, red tape at epektibong pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Ngayong taon lang nakapasok ang BI sa top 10 list ng PAGC. Noong 2005, ang BI ay nasa 76th place bago pumasok si Libanan bilang commissioner noong May 2007.

Pinasalamatan naman ni Libanan ang PAGC sa pagkilala nito sa tagumpay ng reform programs ng BI. “it will inspire our men and women in the bureau to perform their jobs more efficiently and diligently,” wika ni Libanan.

Ayon sa PAGC, gu­man­da ang imahe ng BI dahil sa mga pagbaba­gong ipinatupad ni Libanan sa ahensiya.

Una sa mga pagbaba­gong ito ang visa-issuance-made-simple (VIMS) program, ang itinuturing na flagship project ni Libanan na tumabas sa processing time para sa visa applications ng average na 58 percent.

Resulta ng VIMS, ang person-to-person transactions sa BI ay nabawasan ng 50 percent habang ang red tape ay nabawasan din ng halos kalahati.

Sinabi naman ni BI Associate Commissioner Roy Almoro, ang namumuno sa composite committee on good government (CCGG) ng ahensiya, na­ka­tulong din ang paglahok ng BI sa performance ma­nagement system – office performance evaluation system (PMS-OPES) ng Civil Service Commission (CSC) na naglalayong ibalik ang epektibo at ma­bilis na serbisyo sa gob­yerno.

Hinirang pa ni dating CSC Chair Karina David ang BI bilang valedictorian ng nasabing programa nang bumisita siya sa ahensiya kamakailan. (Butch Quejada)

Show comments