607 stranded Pinoys sa Thailand nakauwi na
Dumating na sa bansa ang mahigit 600 Pinoy na naipit sa kaguluhan sa Thailand sa magkahiwalay na flight matapos ang pagsasara ng dalawang pangunahing paliparan sa Bangkok nang kubkubin ito ng mga anti-government protesters sa kasagsagan ng political crisis na nagsimula nitong nakalipas na linggo .
Dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang dumating ang ikalawang batch na 174 Pinoy sakay ng Cebu Pacific flight 5J932 na nagresponde sa Thailand upang sunduin ang mga stranded na Pinoy sa Chiang Mai International Airport.
Alas-11 ng gabi kamakalawa nang lumapag naman ang may 433 Pinoy na unang batch sakay ng PAL flight PR-733 sa NAIA Terminal 2 mula Chiang Mai.
Isa pang PAL plane ang umalis upang kunin ang nalalabi pang mga Pinoy evacuees sa Bangkok.
Ang mga nabanggit ay bahagi lamang ng may 100,000 dayuhan na stranded sa Bangkok. Base sa ulat, may kanya-kanyang bansa na nagpapadala ng kanilang sariling aircraft upang sunduin ang kanilang mga kababayan na naipit sa bakbakan. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending