Kalahating litson sa noche buena

Dahil sa hirap ngayon ng buhay, inaasahan nang kala-kalahati na lang kaysa sa buo o kilo-kilo na lang ang litson na bibilhin ng maraming Pilipino para sa kanilang noche buena sa Pasko.

Ayon pa sa ilang negosyante na nasa negosyo ng paglilitson, kumokonti na ang mga bumibili ng litson dahil kailangang magtipid ng mga Pilipino.

“Dahil sa krisis ng ekonomiya sa buong mundo, kumokonti ang nagdadaos ng party o anumang selebrasyon at apektado na rito ang mga nag­ ne­negosyo ng litson sa Metro Manila,” sabi ni Carlos Zamora, operation manager ng kilalang Lydia’s Le­chon, nang humarap siya kahapon sa news forum sa CaféCoeli sa Quezon City.

“Bumibili pa rin naman ang mga Pilipino ng litson sa mga espesyal na okasyon pero hindi na buo ang kanilang kinukuha. Ilang kilo na lang ang binibili para lang maging masaya ang kanilang pagdiri­wang,” sabi pa ni Zamora.

Nabawasan anya nang 30 porsiyento ang kini­kita ng mga nagtitinda ng litson dahil nagtitipid ang maraming pribadong kumpanya at tanggapan ng pamahalaan sa pagdaraos ng mga party.

Dahil na rin dito, nagbabawas ng gastusin sa ope­­rasyon ang maraming establismiyentong nagtitinda ng litson.

Kasama sa nagbabawas sa operasyon ang Lydia’s Lechon na merong 22 outlet sa Metro Manila.

Pinuna ni Zamora na, mula pa noong unang ba­ hagi ng Nobyembre, humina na ang kanilang kita dahil sa krisis. (Perseus Echeminada)

Show comments