Nagbanta si Justice Secretary Raul Gonzalez sa dalawang obispo ng Simbahang Katoliko na hindi niya palalampasin ang ginawang panawagan ng mga ito sa taumbayan para mag-aklas kontra sa Pangulong Arroyo.
Ayon sa Kalihim, pasok ang mga pahayag nina Bishops Antonio Tobias at Deogracias Iñiguez sa kasong inciting to rebellion o inciting to sedition na isa umanong malinaw na paglabag sa Revised Penal Code.
Ito ay dahil sa nagpahayag umano ang dalawang obispo sa publiko na gayahin ang pagkilos ng mga protester sa Thailand kasunod pa nito ang pagbasa ng sulat ni Gen. Danilo Lim.
Subalit inamin naman ni Gonzalez na nag-iingat din sila sa pag sasampa ng kaso laban sa mga ito at sa kasalukuyan umano ay tinitimbang pa lamang nila kung may susunod pang panawagan sina Tobias at Iñiguez bago nila ito pormal na sampahan ng kaso.
Naniniwala ang kalihim na dapat munang bigyan ng benefit of the doubts ang dalawa dahil mga alagad ng simbahan ang mga ito.
Bukod dito, mga intelihente umano sina Tobias at Iñiguez kaya alam nila ang kanilang mga ginagawa.
Iginiit pa ni Gonzalez na dapat maging responsable ang mga taga simbahan dahil hindi biro ang maaring mangyari sa sandaling maudyukan nila ang damdamin ng publiko.
Bukod dito tahasan din umanong nilabag ng dalawang obispo ang boundary ng separation of church and state na labas umano sa tungkulin ng mga ito bilang mga opisyal ng simbahang Katoliko.
Samantala, naniniwala naman si Gonzalez na walang ibang nagsulsol sa dalawang obispo sa kanilang mga pahayag kundi silang dalawa lamang.