Impeach GMA dedo na!
Tuluyang ibinasura kahapon ng House committee on justice ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pagiging “insufficient in substance.”
Sa botong 42-8, ibinasura ng komite ang impeachment kasama ang sa iba pang kahalintulad na reklamo laban sa Pangulo sa nagdaang mga taon.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, pangalawang tagapangulo ng komite na pinangunguluhan ni Quezon City Rep. Matias Defensor, rehash at recycled lamang o mga lumang usapin na binuhay muli ang naturang reklamo.
Pinuna ni Lagman na napagpasyahan na at nauna nang nadismis sa mga naunang impeachment complaint laban sa Pangulo noong 2005, 2006 at 2007 ang mga usapin ng Garci tape, ZTE-NBN deal, extra judicial killings, Northrail contract at dayaan sa halalan noong 2004.
Kumontra sa boto ng mayorya sina House minority leader Ronaldo Zamora at Reps. Satur Ocampo, Liza Maza, Teddy Casino, Teofisto Guingona, Abigail Binay, Cinchona Gonzales at Rufus Rodriguez.
Ihahain ng komite ni Defensor sa floor para sa huling botohan sa susunod na linggo ang impeachment complaint na naunang isinampa ng negosyanteng si Jose de Venecia III.
Samantala, mistulang nakiramay naman ang ilang senador sa mga pro-impeachment congressmen matapos tuluyang malibing ang imeachment complaint laban kay Arroyo.
Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na ang impeachment complaint lamang ang pinatay ng mga mambabatas, pero mananatili pa rin ang galit ng mga mamamayan sa Presidente dahil sa napakaraming katiwaliang nangyayari sa gobyerno.
Naniniwala si Lacson na hindi makakalimutan ng taumbayan si Arroyo dahil ito umano ang pinaka-corrupt na naging pangulo ng bansa.
Nanawagan naman ang Malacañang sa publiko na irespeto ang naging desisyon ng mayorya ng mga kongresista na nagbasura sa ika-apat na impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo dahil sa kakulangan ng sustansiya ng reklamo.
- Latest
- Trending