De Venecia palaban na!

Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nasa likod umano ng pa­ nunuhol nang P500,000 sa mga kongresista at gobernador noong Oktu­bre 2007.

Ito ang ibinunyag ka­hapon ni Pangasinan Congressman at dating Speaker Jose de Vene­cia sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House of Representatives sa pa­nibagong impeachment complaint laban sa Pa­ngulo.

Naunang nagbunyag sa naturang suhulan sina Manila Rep. Bien­venido Abante at mga gobernador na sina Ed Panlilio ng Pampanga at Joselito Mendoza ng Bulacan.

“Maraming tumang­gap ng mga bag na nag­lalaman ng P500,000 mula kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at wala ako doon dahil alam kong mang­yayari iyon. Pero ipina­tawag akong muli ng Pangulo sa Malacañang bandang alas-11:00 ng umaga sa music room at sinabihan ako ng Pa­ngulo na ipasa sa justice committee ang “mahi­nang” impeachment complaint,” wika pa ni de Venecia na Speaker pa ng House sa mga na­unang nabigong impeachment complaint laban sa Punong Eheku­tibo.

Nauna rito, sinabi ni de Venecia na natanggal siya bilang Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso at bilang pangulo ng makaadmi­nis­trasyong Lakas-NUCD dahil sa pag­tanggi niyang iendorso ang huwad na impeachment complaint.

Bukod pa rito, sinabi ni de Venecia na binang­git sa kanya ng anak niyang si Joey III na inalok ito ng $10 milyon para tumahimik sa kon­trobersya sa anomalya sa $329 milyong national broadband network pro­ject ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China. Tinanggihan anya ni Joey ang suhol.  

Sa Malacanang, pi­nabulaanan ni Deputy Presidential Spokesman Anthony Golez ang mga akusasyon ni de Vene­cia.

Sinabi ni Golez na sumama lamang ang loob ni de Venecia dahil napatalsik ito sa pu­westo bilang lider ng Kamara. Tinanggal anya sa poder si de Venecia dahil wala nang tiwala dito ang mayorya ng Kamara.

Pinag-aaralan na rin ni First Gentleman Mike Arroyo ang paghahain ng kaso laban kay de Venecia maka­raang isangkot siya nito sa NBN-ZTE deal.

Sinabi ng abogado ni Arroyo na si Atty. Jess Santos na walang kato­tohanan ang akusasyon ni de Venecia laban sa Unang Ginoo, Pangu­long Arroyo at dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos kaugnay sa NBN-ZTE project.

Sa House, sinabi ni de Venecia, hindi pu­we­deng magsinungaling ang litrato na ipinakita niya sa kongreso at nag­papakitang magka­ka­sama ang mag-asa­wang Arroyo at si Aba­los.

Show comments