Hindi nagbabago ang respeto at pakikipagkaibigan ni dating Senate President Manny Villar kay dating pangulong Joseph Estrada sa kabila ng naganap na reorganisasyon sa Senado.
Ang pahayag ay ginawa ni Villar sa pagdalo sa founding anniversary ng bayan ng Tublay sa Benguet, kaugnay sa mga ulat na kasabwat si Estrada sa pagluklok kay Sen Juan Ponce Enrile bilang bagong lider ng Senado.
Matatandaan na inulat na isiniwalat ng isang senador na kaalyado ng administrasyong Arroyo na may partisipasyon ang dating pangulo sa pagpapalit ng liderato.
“Si Erap ay nananatiling isa kong kaibigan, hanggang ngayon,” ayon kay Villar. “I respect him as a friend. I have no bad feelings for him.”
Hinala ni Villar may nais sumira ng kanilang pagkakaibigan ni Estrada lalo na ngayon na tumitindi na ang girian para sa 2010 presidential elections.
Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, pantay sina Villar at Estrada sa ikalawang pwesto na may tig-17 %. Isang puntos lang ang kalamangan sa kanila ng nangungunang si Vice Pres. Noli de Castro (18%).
Sinabi naman ni Sen. Alan Peter Cayetano na ang mga kapwa senador sa oposisyon na naghahangad ding tumakbong presidente sa 2010 ang nagsabwatan upang maalis siya sa pwesto dahil sa patuloy na pagtaas ni Villar sa ratings. Umaasa si Cayetano na tutuparin ng mga nagsabwatang presi dentiables na kagalingan ng tao ang uunahin ng mga ito at hindi pamumulitika. (Butch Quejada)