Kandidato sa pagka-SC justice may tsansa kahit may kaso
Malaki pa rin ang tsansa na mapabilang sa listahan ng pagpipilian ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa magiging Supreme Court (SC) Justice ang mga kandidato na mayroong nakabinbin na mga kaso.
Ayon kay SC Chief Justice Reynato Puno, pag-uusapan ng JBC kung alin sa mga nakabinbin na kaso ng mga kandidato ang maaring palampasin na lamang at hayaan muna ang mga kandidato na manatili sa listahan.
Iginiit ni Puno na mayroon mga reklamong inihain laban sa mga opisyal na wala pang batayan o probable cause at mayroon din na reklamo na isinasampa para lamang i-harass ang isang opisyal.
Matatandaan na tatlo sa 14 na kandidato na posibleng pumalit kay SC Associate Justice Ruben Reyes na magreretiro sa Enero 2009 ay may kinakaharap na mga kaso.
Kabilang dito si Solicitor General Agnes Devanadera na may kasong plunder sa Ombudsman, si dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Mario Bunag na mayroon din na nakabinbin na kaso sa Ombudsman at si Court of Appeals (CA) Associate Justice Juan Enriquez Jr. na kasalukuyang iniim bistigahan ng CA dahil sa kasong administratibo. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending