Villar talsik, Enrile pasok
Inihayag kahapon ni Senate President Ma nuel Villar ang pagbibitiw niya sa puwesto.
Papalit kay Villar si Senador Juan Ponce Enrile na kabilang sa mga makaadministrasyong mambabatas.
Binati ni Villar si Enrile at nagpahayag siya ng kanyang pagsuporta rito.
Bago ginawa ni Villar ang hakbang, umugong kahapon ang napipintong hakbang ng ilang mga senador na patalsikin siya sa puwesto.
Nilinaw ni Villar na nakadepende ang posisyon ng isang Senate President sa bilang ng mga miyembrong sumusuporta rito.
“Nasabihan ako ngayong hapon hindi na ako sinusuportahan ng mayorya ng aking mga kasamahan. Dahil dito, nagbibitiw ako sa puwesto at binabati ko ang bagong Senate President na si Kagalang-Galang Juan Ponce Enrile,” sabi ni Villar.
Tinanggap ni Enrile ang kanyang bagong responsibilidad at, sa kanyang panunumpa sa bagong tungkulin, hiniling niya sa kanyang mga kasamahan na suportahan siya.
Idinagdag niya na hindi niya hiningi ang po sisyon pero ikinararangal niyang tanggapin ito.
Nabatid din na isang kasama ni Villar sa Na cionalista Party na si Senador Allan Peter Cayetano ang nagbitiw bilang tagapangulo ng blue ribbon committee.
Sa botohan, nakakuha si Enrile ng 14 na boto. Lima ang hindi bumoto.
Nauna rito, ininomina ni Senador Panfilo Lacson bilang bagong pangulo ng mataas na kapulungan si Enrile.
Naluklok naman bilang bagong majority leader si Sen. Juan Miguel Zubiri.
Kabilang sa bumoto kay Enrile sina Sens. Edgardo Angara, Juan Miguel Zubiri, Jose “Jinggoy” Estrada, Rodolfo Biazon, Richard Gordon, Panfilo Lacson, Jamby Madrigal, at Lito Lapid, Mar Roxas, Loren Legarda, at Ramon “Bong” Revilla Jr, Francis Escudero, at Gringo Honasan at Aquilino Pimentel Jr.
- Latest
- Trending