Mas lalo umanong lumalala ang insidente ng Kidnap for Ransom ng mga Abu Sayyaf Group sa Mindanao kaya dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan.
Ito ang sinabi kahapon sa pulong balitaan sa Tinapayan ni Chloie Mendoza, kapatid ni Milet Mendoza, isa sa pinakahuling biktima ng kidnapping sa Zamboanga.
Ayon kay Mendoza, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang talamak na pagdukot sa lugar na ginagawa ng “negosyo” ng mga bandidong grupo.
Sa talaan mula Enero 2008 hanggang ngayong Nobyembre, umaabot sa 33 ang nakidnap kung saan may kabuuang P49.1 milyon ang naibayad na ransom.
Ani Mendoza, kung dati ay pawang mga mayayaman at negosyante ang target ng mga kidnappers, target na rin ngayon ng kidnap group ang mga ordinaryong mamamayan pati na ang mga estudyante.
Gayunman, sinabi ni Mendoza na tutol sila sa pagdedeklara ng all out war ng gobyerno dahil mas gusto pa rin nilang malutas ang problema na katulong ang lahat ng sektor ng lipunan.
Nabatid na kabilang sa mga naging huling biktima ng KFR ay sina Preciosa “Chuchay” Feliciano, registered nurse na pinakawalan lamang nitong nakalipas na Nobyembre 7 matapos kidnapin sa Zamboanga City noong Hulyo 7,2008; Espie Hupida, program director ng Nagdilaab Foundation Inc.; Merlie Milet Mendoza at ang pinakahuli ay si Joed “Honey Boy” Pilanga, nursing student na dinukot sa Zamboanga City noong Oktubre 17 at kasalukuyang nasa kamay pa ng kanyang mga abductor.