Isang overseas Filipino worker (OFW) ang nasawi matapos na masangkot sa isang car accident sa Saudi Arabia kamakailan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa Philippine Embassy sa Riyadh, ang Pinoy ay kinilalang si Joven C. Canubas Jr., tubong Cebu.
Binawian ng buhay si Canubas noong Lunes matapos na bumangga ang kanyang sinasakyang van sa isang truck habang naglalakbay sa Khurais area ng Aramco Khurais Crude Complex project sa Saudi Arabia.
Si Canubas, na nagtatrabaho bilang pipe-fitter sa Saudi Arabian Saipem sa Dammam ay idineklarang dead on arrival sa King Fajad Hofuf Hospital.
Inaasahan namang kaagad na maipapauwi ng DFA ang bangkay ng biktima sa Pilipinas. (Mer Layson)