Posible umanong mabitay ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nakapatay ng tatlong Arabo matapos na magwala at araruhin ang ilang sasakyan na nakasalubong nito sa Jeddah, Saudi Arabia noong Martes.
Ayon sa lider ng isang Filipino community na nakabase sa Riyadh at tumutulong sa naturang Pinoy worker na si Rigor de Padua, base sa mga nailathalang testimonya ng mga nakakita, posible umanong mapugutan ng ulo si de Padua lalo na’t tatlo ang napatay nito na pawang miyembro ng isang pamilya kaya’t mahirap aniya itong mapatawad.
Tumanggi namang magpakilala ang naturang lider ng Pinoy community na nagsabi pang mahirap umanong makisimpatiya sa ginawa ni Rigor kahit pa hindi naman mga Pinoy ang nabiktima nito.
Matatandaang si de Padua, 33, ng Muntinlupa City, ay iniulat na nag-amok, sumakay sa isang bus at inararo ang ilang nakasa lubong na sasakyan sa Al Haramain Road sa Jeddah. Tatlong Arabo ang nasawi na kinabibilangan ng isang ina at dalawang anak nitong babae, na pawang sakay ng isang puting Toyota Corolla, na direktang nakasalpukan nito.
Sinasabing kadarating lamang ni de Padua sa Jeddah noong Oktubre 5 upang magtrabaho bilang driver ng isang malaking kumpanya sa lugar.
Noong Lunes ng gabi ay sinasabing nakitang balisa ng kanyang mga kasamahan ang suspek at nang mag-umaga ay bigla na lamang umano itong nag-amok, at dala ang isang martilyo ay binasag ang salamin ng kuwarto ng kanilang supervisor.
Sa ulat na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), palaging tahimik at nag-iisa ang suspek at malaunan ay natuklasan umano ng mga kasamahan nito na depressed pala si de Padua matapos na iwanan ng kanyang asawa at anak.
Lumala pa umano ang problema ng lalaki matapos na pagbantaan ito ng kanyang supervisor na pauuwiin sa Pilipinas kung mabibigong makakuha ng driver’s license.
Sinasabing isa pang biktima sa naturang insidente ang nasawi ngunit hindi pa umano matukoy kung ito ay ang driver ng Toyota Corolla o isa sa mga Pinoy na sakay ng bus na minaneho ng suspek.
Nasugatan din si de Padua at ang dalawang Pinoy na sakay ng minaniobra nitong bus sa insidente, gayundin ang ilang Bangladeshis at Nepalis na tumalon mula sa bus.
Tiniyak naman ni DFA Spokesman at assistant secretary Claro Cristobal na inatasan na nila ang konsulada ng Pilipinas upang tulungan si de Padua at upang tiyakin na mapuprotektahan at ma rerespeto ang mga karapatan nito habang dinidinig ang kaso.
Kinumpirma naman ni Consul General Ezzedine Tago na si de Padua ay kasalukuyan nang nasa detention center at iniimbestigahan ng mga lokal na awtoridad doon.