Hindi sumipot si dating Undersecretary Jocelyn ‘Jocjoc’ Bolante at iba pang opisyal ng gobyerno na ipinatawag ng mga kongresista sa Kamara para bigyan linaw ang umano’y anomalya sa paggamit ng may P728 million fund para sa fertilizer na gagamitin noong 2004.
Sinabi ni Palawan Rep. Abraham Mitra, chairman ng Committee on Agriculture na dismayado ito sa hindi pagpunta sa Kamara ni Bolante matapos itong hindi payagan ng Senado.
Gayunman, sinabi ni MItra na tatapusin nila ang imbestigasyon matapos itong mag-set ng pagdinig sa susunod na linggo.
Bukod kay Bolante, hindi rin sinipot nina Agriculture Secretary Arthur Yap, Budget Secretary Rolando Andaya, DA Undersecretary for Finance Belinda Gonzales at si dating Budget Secretary Emilia Boncodin para magsalita hinggil sa kanilang nalalaman tungkol sa nasabing isyu.
Si Commission on Audit Director Flerida Jimenez lamang ang dumating sa Kongreso para tayuan ang kanilang report hinggil sa nangyaring anomalya tungkol sa abono.
Lumabas din na may 103 kongresista ang tumanggap ng P3 hanggang P5 million pondo, 34 sa mga ito ay aktibo pa sa kanilang mga puwesto. Samantala, may 49 gobernador at 25 mayors ang nabigyan ng pondo.
Gayunman, sinabi nina Camiguin Rep. Pedro Romualdo at Negros Oriental Rep. George Arnaiz na tumanggap sila ng pondo galing sa abono noong May 24 matapos ang nasabing eleksyon pero ito ay ng mga gobernador pa sila.
Ayon sa kanila, pinakinabangan ng mga magsasaka sa kani-kanilang mga probinsiya ang perang ibinigay sa kanila. (Butch Quejada)