Obligado na ang lahat ng mga driver ng public utility vehicle na sumailalim muna sa “neuro-psychiatrict” examination bago bigyan ng lisensiya.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) chief Alberto Suansing, binabalangkas na nila ang naturang hakbang at malamang na opsiyal na ilalabas ang resulta bago matapos ang buwan ng Disyembre.
Layunin ng bagong hakbang na ipatutupad ng LTO na mabigyan ng proteksiyon ang mga pasahero mula sa mga kaskaserong tsuper, partikular na iyong mga driver ng bus na malimit na masangkot sa aksidente.
Inamin ni Suansing na may pagkukulang din ang ahensiya kaya babalangkas sila ng mga hakbang para makatiyak na ang mga driver na magmamaneho ng mga pampublikong sasakyan ay mga responsable at matitino ang mga isip.
Gayundin,magpapalabas sila ng kautusan sa lahat ng Bus Company na tiyakin na sumailalim sa “neuro-psychiatrist ang kanilang mga driver bago payagan na makapag maneho ng bus.
Sa mga susunod na buwan, sinabi ni Suansing na hindi lamang mga PUV driver ang magpapa-neuro exam kundi lahat din ng nagmamaneho ng pribadong sasakyan. Bukod sa neuro-exam, bibigatan din umano ng LTO ang parusang ipinapataw sa mga “reckless driver”. (Doris Franche/Ludy Bermudo)