Hindi umubra ang mga demolition job laban kay Senate President Manny Villar nang lumitaw sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na nadagdagan pa ang bilang ng mga Filipino na nais siyang maging pangulo ng Pilipinas sa 2010 presidential elections.
Sa survey na ginawa noong Sept. 24-27 sa buong bansa, habang kainitan ng ibinatong alegasyon kay Villar sa kontrobersyal na C-5 road project, halos pumantay sa unang pwesto si Villar nang makakuha siya ng 28 porsyentong boto mula sa 1,500 respondents sa buong bansa.
Isang porsyento na lamang ang pagitan ni Villar sa nangungunang si Vice President Noli de Castro na nakakuha ng 29 porsyentong boto sa mga respondent.
Bagaman at nanguna si de Castro, bumaba umano ng dalawang porsiyento ang nakuha nito kung ikukumpara sa survey na isinagawa noong Hunyo kung saan nakakakuha siya ng 31%.
Ito ang pinakamataas na rating na nakuha ni Villar mula Sept 2007 kung saan 18 porsyento ang kanyang nakuha o paglundag ng 10% pagkalipas ng isang taon.
Samantala hindi naman gumalaw sa 26% si Sen. Loren Legarda. Sumunod kay Legarda si Sen. Panfilo Lacson na nakakuha ng 17%, Sen Francis Escudero, 16%. Pareho namang tig-13% ang nakuha nina dating Pangulong Joseph Estrada at Sen. Mar Roxas.
Matatandaan na inihayag ni Sen. Alan Peter Cayetano na inaasahan na nila ang mga pag-atake at paninira kay Villar, presidente ng Nacionalista Party, dahil sa patuloy na pag-angat nito sa rating ng mga presidentiables. (Butch Quejada)